Chapter 2: Childhood friends

“Hinayupak ka! Ano bang ginawa mo sa bestfriend ko at nagkaganyan yan?!” narinig ko ang iritadong boses ng isang babae. Halos pumutok nga ang litid niya dahil sa sigaw na iyon.

“Bakit ako? Naligo kasi siya kahit alam naman niyang nilalagnat siya.” sabi naman ng isang inosenteng boses. Kahit nakapikit ako ay parang naiimagine ko na ang itsura niya habang sinasabi iyon. And I can’t help myself but to feel butterflies in my stomach. Tinamaan na talaga ako.

“Eh bakit di mo pinigilan?!” sigaw pa rin ng babae. Mukhang may ideya na ako kung sino itong grabeng makasigaw. I doubt kung hindi siya naririnig ng mga kapitbahay namin.

“Paano ko pipigilan eh sinarhan niya nga ako ng pintuan.”

“Kahit na ba! Sana naman gumawa ka ng paraan! Di ka ba naaawa dyan?” natuwa ako sa loob loob ko. Akalain mong nag-aalala pala sa akin ang bruhang ‘to?

“Sorry na nga di ba? Dinalhan ko na nga siya ng soup na gawa ni Tita Lidia para sa kanya eh.”

“Hay naku! Kapag nagising talaga ‘yang bruha na ‘yan sasabunutan ko ‘yan! May pagkasiraulo pa naman yan!” what did she say?

“Maka siraulo ka naman dyan wagas!” tama lang ‘yan Zander. Ipagtanggol mo nga ako!

“Bakit hindi ba?!”

Hinintay ko talaga ang magiging sagot niya pero halos hambalusin ko siya dahil sa sinabi niya. “Ewan ko.”

“See? See? Natatawa ka! Ibig sabihin totoo di ba?!”

“ANO BA ANG IINGAY NIYO! CAN’T YOU SEE THAT I’M HAVING MY BEAUTY REST TODAY?!”

Mga bwisit na nilalang ‘tong mga ‘to oh. Ang ingay ingay! Dinaig pa ang megaphone sa lakas ng mga boses! Kairita din ‘tong si Zander!

“Homayghad bestfriend! Ahmissyou!” sabi sa akin ni Ree, bestfriend ko, at dinamba ako ng yakap.

“Parang kanina lang kung ano-anong sinasabi mo sa akin tapos makayakap ka akala mo napakainosente!” panunuya ko. Aba! Malakas ang pandinig ko at malinaw na malinaw pa sa sikat ng araw ang mga narinig ko!

Speaking of mga narinig ko.

Tiningnan ko kung sino ang nasa likod ni Ree at nakita ang isang Demigod na nakatingin at nakangiti sa akin.

Ay naku kung ito ang bubungad sa bawat gising ko ay kuntento na ako. Shocks! Kinikilig ako sa ngiting yan! Sige, kakalimutan ko na ang narinig kong sinabi niya.

Bigla naman akong bumalik sa reyalidad nang tapikin ni Ree ang pisngi ko. Panira talaga ‘to kahit kailan. Magpapakasal na kaming dalawa ni Zander sa imahinasyon ko eh humadlang bigla ‘to na para bang sinabi na “Itigil ang kasal!”

“Hoy Jaz! Anyare? Natuluyan na ba?”

Tss. Hay naku, nagmomoment pa eh.

“Wala! Ang ganda mo kasi kaya natulala ako sa karisma mo.”

“Salamat bestfriend! You’re the best!” pasaway. Di ba niya alam ang kaibahan sa namumuri at sarcastic na mga salita?

I sigh. Namiss ko ang panget na ‘to.

“Kailan ka nakabalik panget?” tanong ko kay Ree. Hindi ko talaga kakausapin yang si Zander kasi... alam niyo na... baka ako’y kiligin nanaman! Halos mapahagikgik ako dahil sa iniisip pero pinigilan ko lang ang sarili ko. Baka mahalata pa nila na kinikilig ako sa hindi maipaliwanag na dahilan.

“Makapanget naman ‘to wagas! Akala ko ba maganda ako? Ay nga pala Jaz!” sabi niya sabay tili. Napangiwi naman ako at gayundin si Zander dahil sa tinis ng boses ni Ree.

Anak ka ng kabayo!

“Ano ba Ree! Ang sakit sa tenga ng tili mo!” walangya! Baka masira pa ang eardrum ko dahil sa babae na ‘to!

“Hayaan mo na Jaz! Minsan lang kiligin eh!” kinikilig niyang utas. Minsan lang daw. Sinong niloloko nito?

“Talaga lang ah? Eh kapag umuuwi ka nga dito palagi na lang ang Lysander na ‘yon ang bukambibig mo!”

Oo. Tama ang nakikita ninyo. Sa kasamaang palad ay may kinahuhumalingan itong bestfriend ko. Ang sabi niya ay total package daw ito. Gwapo, mayaman, macho (lagi niyang ineemphasize ‘yung salitang macho) ewan ko ba sa bruha na ‘to.

Nagtatrabaho ang parents ni Ree sa Maynila. Mayroon silang malaking karinderya doon na ang number one suki nila ay ang mga empleyado ng BGC o mas kilalang Buenaventura Group of Companies. Kilala ang kumpanya na iyon dahil halos lahat ng mga manufacturing, commerce, trade, at production businesses ay hawak nila kaso masyadong private iyong sinasabi niyang Lysander kaya hindi ko nakikita sa t.v.

Oh di ba ang sosyal ng bestfriend ko?

May bahay sila Ree sa Maynila pero tuwing weekends ay umuuwi sila sa bahay nila dito. Doon lamang kaming tatlo nabubuo nila Zander at Ree. Pare-parehas kasi kaming magkababata at bestfriend namin ang isa’t isa. Pero ‘yung mylabs kong si Zander ay hindi alam na love este ultimate crush ko siya. Manhid kasi.

“Ewan ko sa’yo! Inggit ka lang! Maghanap ka na kasi ng boylet mo para hindi na parati ako ang nakikita mo!” litanya ni Ree habang nakahawak sa kanyang puso, nakatingala at may mga heart sa kanyang mga mata.

“Bakit pa siya maghahanap eh nandito naman na ako?” entrada ni Zander.

AY NAKU ZANDER! BET KO ANG LINYANG YAN! Pinilit kong hindi ngumiti pero syet lang, kinikilig talaga ako sa mga hirit ni Zander na ganyan! Lalo tuloy akong nahuhulog.

Pero ano daw? Bakit pa ako maghahanap ng iba kung nandyan naman na siya?

Zander hindi na talaga ako maghahanap ng iba! Assured na assured na ang future ko kasama ka! Planado na ang lahat!

“Naks si Zander suma-sideline! Sa’n galing yan?”

Nakita niyo? Nakita niyo? ‘Yang si Ree ang tunay na hadlang sa pagmamahalan namin! Laging panira ng moment ‘yan!

Tumawa naman si Zander. Natulala nanaman ako sa kanya... that smile.

Magsasalita na sana ako pero biglang tumunog ang cellphone ni Zander. Sumilay ang isang napakalaking ngiti sa kanyang mukha nang makita kung sino ang tumatawag.

Oy, oy Zander, sino yan? ‘Wag mo sabihing babae mo yan?!

“Ma.” sabi niya sa masayang tono.

Si Tita Alice!

“Mabuti naman po.” tugon ni Zander sa mama niya.

Pinasadahan kaming dalawa ni Ree ng tingin ni Zander na para bang may itinanong ang mama niya tungkol sa amin. “Si Ree nandito na. Si Jaz naman may lagnat. Opo. Dinalhan ko na po siya. Kagigising pa lang niya eh.”

Nag-excuse naman si Zander na lalabas siya at mag-uusap pa sila ng mama niya.

Close kami nyan ni Tita Alice. Aba! Maganda nang close kami ng magiging mother in law ko sa future. Maganda nang handa!

Pero walang biro, sobrang bait talaga nyang si Tita Alice kaya naman walang dudang lumaki talaga si Zander na katulad niya. I hate to say this pero naging isang kabit ang mama niya. Hindi naman sa pumatol si Tita Alice sa lalaking iyon pero noong mga panahong iyon kasi ay hindi niya alam na may pamilya na ito. Nalaman na lamang nang biglang sumugod dito ‘yung asawa ng lalaki kasama ang anak nila na mas matanda lang ng ilang taon kay Zander.

Grabe lang ‘yung lalaki at hindi nakuntento sa asawa niya. First time ngang umiyak noon ni Zander kaya naman inaway ko ‘yung batang lalaking anak ‘nung papa niya. As in inaway ko ‘yun! Sinabunutan, kinalmot at pinaghahampas. Nasampal pa nga ako ng nanay ng batang lalaki dahil nasugatan ko yata siya. Pakialam ko ba eh pinaiyak nila noon si Zander? Kung nandoon lang si Ree noon baka mas malala pa ang kinahinatnan ‘non.

Masaya na sila Tita Alice at Zander ngayon pero kinailangan lang talaga ni tita na umalis ng bansa para magtrabaho. Naiwan naman dito si Zander kasama ang tita niya na kapatid ng mama niya na si Tita Lidia. May dugong koreano sila kaya naman kay gwapo nitong si Zander.

Si Tita Lidia naman ay total opposite ni Tita Alice. Parang lagi ngang may dalaw lalo na kapag nakikita ako! Naku kulang na lang saksakin niya ako sa mga matatalas niyang titig.

Baka naiinsecure lang sa ganda ko. Oh well...

“Ree nagugutom na ako.” sabi ko kay Ree matapos lumabas ni Zander.

“Girl! Nasa baba ‘yung sopas na luto ni Tita Lidia. Sigurado masarap ‘yon! Tara dali!” at ‘yun na nga at kinaladkad na niya ako pababa ng hagdanan. Partida alam niyang may lagnat ako ah pero tingnan mo nga naman ang babaeng ‘to pagdating sa pagkain!

“Ang sarap!” sabi ko habang kumakain.

Sinaluhan din ako nila Zander at Ree sa pagkain. Naku kung hindi nga kumain nito si Zander baka isipin kong may lason ‘to kasi di ba gawa ‘to ni Tita Lidia. Pero syempre joke lang ‘yon! Grabe imagination ko ang lawak!

“Gusto mo parati kitang dalhan? Marunong din naman akong magluto eh.” sabi ng mylabs ko.

“Wag na! Nakakahiya naman.” sinungaling! Gusto ko nang luto niya eh. Pero ‘yun nga... nahihiya talaga ako. Kahit naman patay na patay ako sa lalaking ito at parang walang hiya ako sa harapan niya eh alam ko pa rin naman ang salitang hiya.

“Wag ka nang mahiya! Dadalhan kita mamaya ng niluto ko.”

“Thank you!” sabi ko na lang. Aba! Grasya na ang lumalapit eh hindi ko na palalampasin!

Shemay! Parang mag-asawa lang. Siya ang nagluluto tapos ako ang kakain ‘nun. Nagluluto siya para sa akin. Ang saya sa pakiramdam!

“Bakit siya lang Zander? Dapat ako din! Naku eh para naman matikman ko ‘yang luto mo. Baka mamaya nyan niloloko mo lang kami eh!”

Eto nanaman si Ree. Panira ng atmosphere.

“Sure! Sige mamaya.”

Sobrang swerte ko sa mga taong ‘to. Mahal na mahal ko talaga sila, si Zander at Ree. I wonder kung ano ako kung wala sila?

Alright, alam kong ang drama ko na masyado pero minsan lang kasi talaga kami mabuo ng tulad nito. Minsan ako ang wala at nasa farm o kaya naman si Zander na nagtatrabaho din sa farm namin. Si Ree naman weekend lang free. Kaya masaya ako at nabuo ulit kami.

I love them! At hinding-hindi iyon magbabago.

...or so I thought.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------