Chapter 8: Forgotten

 

Neth’s POV

 

“Mama! Papa! Alis na po ako!” 

Nasa ikalawang palapag sila kaya naman sumigaw na ako. Halos madulas pa ako at mag acrobatics dahil sa sobrang pagmamadali.

Dumungaw si Nanay sa hagdanan “Sige. Mag-ingat ha!”

Pagkalabas ay dumiretso na ako sa mga nakahilerang tricycle pagtawid ng kanto. Umupo kaagad ako sa likod ni kuya driver at binelatan ang batang nang asar pa sa akin at mukhang balak nakawin ang pwesto ko.

Pumikit ako at medyo inimagine na ang sasapitin maya maya lang. Patay ako kela Sister nito!

Buti na lang walang traffic at itong si manong driver e mabilis magpatakbo. Bibigyan ko sana ng tip kaso puro tig bente singko lang laman ng purse kong hello kitty kaya ‘wag na lang. Nahiya ‘yung barya ko. Charing.

Pagkarating namin, nagbayad na ako kay kuya ng sakto walang labis at tumakbo na papunta sa orphanage.

Kumunot ang noo ko nang may nakitang mamahaling sasakyan sa may parking lot.

May bisita ba na inaasahan ngayon? Bakit may sasakyan dito? Sa pagkakaalam ko mamaya pa naman ‘yung pagsundo sa mga bata a? O talagang sumobra lang tulog ko at maghahapon na?

Jusko double kill na yata talaga ako kela Sister.

Pero di na ako nagtagal sa pagtingin doon at tumakbo na ulit ako dahil time is gold.

“Sister Mary!” sigaw ko na feeling ko nakita ni Sister ngalangala ko.

“Ay Diyos kong bata ka! Ginulat mo ako!” Halos tawagin ni Sister Mary lahat ng santo dahil sa gulat.

Nag peace sign ako, feeling korean. “Sorry Sister. Sorry talaga! Nalimutan ko po kasi na ako po pala nakatokang magbantay sa mga bata ngayon.” Binigyan ko pa si Sister Mary ng isang ngiti. Gumana ka, gumana ka, gumana ka.

Inirapan niya ako. Sa akin nila natutunan ‘yan ni Sister Suzy! “Sige na! Sige na! Pumasok ka na doon at wag mo na ipakita sa akin ‘yang ngiti na yan.”

Sinuntok ko ang hangin dahil sa tuwa! Yes! Di ako maglilinis ng cr ngayon! Ha! Sila Pako na bahala doon tutal mas late pa sa akin ‘yon pumunta dito.

Pumasok na agad ako sa social hall dahil baka magbago pa isip na Sister Mary at baka isumbong ako kay Sister Malou. Nakakatakot pa man din ‘yun at di tinatablan ng korean pose at filipina smile ko.

Pagkapasok ko sa loob, nakita kong walang ginagawa ang mga bata. Ang iba’y nag-uusap-usap ngunit karamihan sa kanila ay naglalaro lang mag-isa. Naisipan ko tuloy na bigyan sila ng activity. Magpapakilala sila isa-isa sa harapan at ipapakita nila ang mga talents nila. Nang sinimulan na namin ang activity, nakita kong nag-enjoy naman sila at nagsimula nang makihalubilo sa ibang mga bata. Buti naman kung gano’n. Ang galing ko talaga!

Habang nagbabantay ng ilang minuto ay napansin kong may babae na nakasilip sa may pintuan kaya pinuntahan ko na. Mukhang sosyal siya dahil sa halatang mamahalin na suot at sa makintab na buhok. Inayos ko ang suot na salamin at lumapit pa.

“Sino po ang hanap niyo Ma’am?”

My gosh! Pwede na ako maging receptionist! Kailangan ko na lang ng additional tangkad at mas sosyal na accent.

Hinahanap raw niya ang kasama dahil for some reason e bigla itong nawala. Nako ‘yan na nga ba ang sinasabi ko. Pahanap ko kaya kela Pako? Di kaya naligaw ‘yun dito sa loob? Bigyan ko ng mapa ‘yun pag nakita ko.

Bago pa ako mabaliw sa mga kalokohang naiisip ay tinawag ako ni Kate, ‘yung cute na batang mahilig sa pigtails. Mabilis akong nagpaalam sa kausap at lumapit kay Kate dahil mukhang may ideya na ako sa pagtawag niya sa akin, halos malimutan ang magandang babae na nagpakilalang si Phin Ramirez. 

“Ate Neth! Pwede ko po bang tawagan mommy ko?”

Yumuko ako para mas makita pa ang mukha niya. Namumutla siya at paiyak na. Idinantay ko ang palad ko sa noo niya at nalaman na ang problema. Napakasakitin talaga nito.

Kinalabit pa ako ng isa pang cute na baby boy at may ipinakita sa akin. I smiled when I saw his drawing ngunit nag paalam din para asikasuhin si Kate.

Lumingon ako sa pwesto kanina ni Phin pero wala na ito ngayon. Baka nagdecide na mag adventure na lang mag isa at hanapin ang nawawalang kaibigan. Di bale, cheer ko na lang siya. Sayang pwede sana maging friend iyon dito. Wala kasi akong ka-age dito kaya walang makarelate sa kabaliwan ko.

Tinungo ko na lang ang office ni Sister Mary. Hinanap ko doon ang folder na naglalaman ng contact numbers ng mga magulang ng mga bata dito. Nang mahanap ko na ang pangalan ni Kate, tinawagan ko na agad ang mga magulang nito at sinabing masama nanaman ang pakiramdam niya.

“Ms. Flores right? Can you just please accompany my daughter to your clinic? You know, I’m really far away from that place and only at 6pm will I get her from there. Thank you.”

Maarte niyang sambit sabay binabaan na ako.

Aba’t talaga naman! Hindi man lang ako nakasingit sa armalight niyang bibig! Gigil niya ako! Hinilot ko ang sintido dahil sa stress na dala ng walang concern na nanay na iyon.

Kinarga ko na lang si Kate at dinala siya sa clinic ng orphanage. Pinainom siya ng gamot doon at tsaka pinatulog. Pinagmasdan ko muna si Kate ng ilang minuto bago nagdecide na balikan ang mga bata sa social hall.

Wala pa rin namang nagbago at halos parang nagwawala ang mga maliliit at cute na mga bata. ‘Di rin naman nagtagal at pinakain na rin sila ng meryenda nila Sister Mary.

Pagkatapos mag assist ay dumiretso ako sa garden para magpalipas ng oras. Iba talaga ang ambiance sa parteng ito ng orphanage. Tahimik at ang tanging maririnig lamang ay ang lagaslas ng mga dahon na hinahampas ng banayad na hangin. 

Umupo ako at sumandal sa pamilyar na puno na may malalaking ugat sa ilalim, sapat lamang para magkasya ang katawan ko.

Ito na ang nakasanayan kong gawin sa halos ilang taon dito sa orphanage. Kabisado ko na ang pangalan ng mga bata maging ang mga ugali nila. Masaya ako dahil mahilig naman din talaga akong mag alaga ng gano’ng mga edad ngunit minsan ay hindi ko lang din maiwasan ang kirot na nararamdaman sa mga panahong dumadaan sa isipan ang bagay na mayroon sila ngunit ipinagkait sa akin.

Matatamis na ngiti. Alaalang babaunin sa mga taon na darating. Kaibigan na magiging bahagi ng alaalang babalik-balikan.

Iba ako sa kanila.

Hindi ako tulad nila na may alaala ng pagkabata. Alaala ng nakaraan. Kahit anong pilit ay walang mangyayari. Ang tanging nanatili ay isang alaalang mas gugustuhin ko na lamang na kalimutan. 

Gwyneth Clementine Flores

Hindi iyon ang totoo kong pangalan.

Gusto ko mang alamin ang katotohanan ay hindi ko naman magawa. Manganganib ang buhay ko kung pilit kong aalamin ang tungkol doon. Baka maging ang pamilya ko ay manganib din at hindi ko kayang mangyari iyon.

Meron ako ng tinatawag na ‘amnesia’.

At dahil doon ay hindi ko magawang mabuo ang totoo kong pagkatao.

I feel incomplete.

Natapos naman ang araw na di ako nasermonan ni Sister Malou sa aking pagiging late. Aba syempre todo effort ako sa pag aassist no! Nagmano lang ako sa kanya at binigyan ng flying kiss with matching kindat sila Sister Malou at Sister Suzy.

Sa isip ay pinaplano ko na ang mga gagawin pag uwi. Kailangan ko pang ihanda ang mga gamit ko para sa pagluwas ko sa Maynila sa susunod na araw. Laking tuwa ko talaga nang maipasa ko ang exam sa isang academy doon. Dream come true sa akin iyon dahil matagal ko na talagang pangarap na makapunta sa lungsod.

Apat na taon na nga pala akong nagse-serve dito sa orphanage. Kailangan ko kasi ito para mapanatili ko ang scholarship ko noong high school. Mahirap lang kasi kami at ayoko naman na mahirapan sila mama’t papa kaya nag-apply ako sa scholarship ng school ko noon at laking pasasalamat ko naman at nakapasa ako. Sa awa ng Diyos, natapos ko naman ang apat na taon at ngayon nga ay magkokolehiyo na ako.

Nasa Maynila ang Tito ko na kapatid ni Papa. May grocery store siya doon at nag-apply naman ako ng trabaho sa kanya at sa kabutihang palad ay pumayag siya. Ayaw ni mama na nagtatrabaho ako habang nag-aaral ngunit pinilit ko pa rin siya at sa huli ay pumayag na rin siya. Dito naman sa orphanage, kahit tapos na ang scholarship ko noong high school, nangako pa rin ako kela Sister na pupunta pa rin ako dito tuwing weekends. Hindi ko rin naman kasi matitiis ang mga bata dito at syempre sila Sister na rin. Naging malaking parte na sila ng buhay ko.

Bitbit ang aking backpack at tinahak ko na ang hallway patungo sa gate ng orphanage paa makauwi. Ngunit bago pa ako makaliko sa pathway ay nahagip ng paningin ko iyong magandang babae. Phin Ramirez? Nahanap na kaya niya ang nawawalang kaibigan? Sus, I am willing to offer my services. Halika Phin at nandito na si Dora.

Hinipan ko ang aking full bangs at inayos ang makapal na salamin habang lumalapit sa tulalang si Phin. 

“Phin?”

Hala, mukhang hindi siya successful sa paghahanap. Hmm…

“Phin, may hinahanap ka ba? Hinahanap mo ba pa rin ba ‘yung kasama mong pumunta rito?”

Alam kong redundant ako pero syempre kunwari kino-confirm ko lang. Nalaman ko lang din kanina na si Carly pala ang susunduin nila kanina.

Imbis na sagutin ako ay sa akin naman siya natulala. Hala siya, ayos lang kaya ito?

Ilang beses ko pa siyang tinanong kung ayos lang ba siya dahil parang maiiyak na siya o ano. Bigla rin siyang namutla pero gano’n pa rin ang ayos niya, nakatulala sa akin.

Ang mga sumunod na katagang binitawan niya ang nagpatigil sa bibig at utak ko sa mga iniisip.

“Neth ba talaga ang pangalan mo?” tanong niya sa maliit na boses. Para bang ibinubulong niya lamang iyon sa hangin at hindi talaga para sa akin.

Nagulat ako sa tanong niya. Kung tutuusin, dalawa ang pwede kong isagot sa kanya. Una: Hindi, dahil iyan lang ang ibinigay sa akin ng adopted family ko at hindi ko maalala ang totoo ko talagang pangalan. Pangalawa: Hindi, dahil nickname ko lang iyan. Syempre ‘yung ikalawa ang sasabihin ko. Nakakatawa lang isipin na may multiple meaning sa akin ang tanong niya.

“Actually hindi—”

“So ikaw si Angel?! Angel pangalan mo?” gulantang niyang tanong, nanlalaki pa ang mga mata. 

“S-Sorry, sino si A-Angel?” pagmamaang-maangan ko sa tanong niya ngunit sa kalooban ay gulantang din ako.

Kilala mo ako?! Gusto kong isigaw pero parang naging warning sign sa utak ang kanina lamang ay dumaan sa isipan ko, mga dahilan na ilang taon ko nang bitbit.

Tumaas ang balahibo ko at bumilis ang tibok ng puso ko. Sa ilang taon kong pagpunta dito ay hindi sumagi sa isip ko na may makikita akong taong nakakakilala sa dating ako. Hindi ako makapaniwala na nandito na siya. Ang matagal ko nang hinihintay.

Bumalik sa normal ang mukha ni Phin Ramirez. Halatang dismayado sa kung ano. Ngumuso ako at bumuntong-hininga, mirroring her emotions.

Angel. Angel. It sounded so… right.

Nilagay ko ang mga kamay sa likod at pinisil-pisil ang mga daliri. Pinipigilan ang sariling yugyugin si Phin at tanungin siya ng mga delikadong tanong.

“Oh she’s no one. So…” sagot niya sa huli kong tanong.

Nag isip pa ako ng pwedeng sabihin para lamang mapahaba ang usapan namin.

“Hmm…Neth is just a nickname. Gusto ko tawagin mo akong Neth. Phin, let’s be friends okay? Uhh… kung ayos lang sa’yo?”

May namuong ideya sa isip ko. At inisip ko rin ang maaring maging repercussion ng bawat desisyong gagawin ngunit wala naman akong nakitang mali o makakaapekto sa akin o sa pamilya ko.

O sadya nga bang gumagawa lang ako ng palusot sa sarili?

Inignora ko ang huling tinig sa utak at sinunod ang naunang ideya.

Wala namang masama kung kakaibigan ko siya, hindi ba? Nabigyan ko rin sa wakas ng kahulugan ang kanina pa niyang pagmamasid sa akin. Noong unang kita pa lang namin sa tapat ng social hall ay napansin ko na iyon ngunit inisip ko lamang na baka nangingilala lamang siya. 

Nagliwanag ang mukha ni Phin ngunit may bahid pa rin ng pagkadismaya.

“Of course it’s okay! Actually you’re my first.”

 And this a step forward for me.

 “First?”

 At tulad niya…

 “First girl friend. Dito.”

… she’s also my first.

“Bakit? Wala ka bang kaibigan dito?”

My first clue.

Maaga akong nagising sa sumunod na araw.

Sasakay pa kasi ako ng bus papuntang Maynila. Si Papa naman na ang nag-asikaso sa dorm na tutuluyan ko kaya wala nang problema. Ang pera naman na gagamitin ko sa North Oswald ay hindi ko na masyadong problema dahil naipasa ko naman ang entrance exam nila at nakasama ako sa top ten na nakakuha ng matataas na result. Dahil dito ay nakapag apply ako sa Academic Scholarship nila na naipasa ko rin naman. Bahagi ng benepisyo nito ay ang buwanang allowance na matatanggap bukod pa sa one hundred percent free tuition.

I flipped my hair pang effect kyeme nang biglang humangin at nilipad nito ang aking buhok.

Charing lang! Ang ikli na nga ng buhok ko ifi-flip ko pa?

Bukod pa doon ay may trabaho na ako sa grocery store ng Tito ko kaya kung ano man ang pambayad ko sa dorm ay doon ko na kukunin.

 

Mga apat na oras ang naging byahe at sa wakas! Narating ko na ang Maynila!

Pagkababa ay halos matulala ako sa mga skyscrapers sa bawat lingon ko. Halos manliit ako sa kinatatayuan habang nakatingala at napapanganga maging sa mga city lights at ingay sa paligid. Ibang iba sa nakagisnan na buhay probinsya.

Huminga ako ng malalim at halos mapakanta na ako ng For The First Time in Forever pero ang walang hiyang bus na sinakyan kanina ay biglang umandar at ako yata ang target ng tambutso at sa harap ko pa talaga nagpakawala ng usok. Naubo tuloy ako at mangiyak ngiyak kasi grabeng inhalation full of effort pa man din ang ginawa ko.

Halos batuhin ko ng payong ang walang konsiderasyon na bus na iyon! Nagmmoment pa ako e!

Anyway...

Tinahak ko na ang daan papunta doon sa dorm na tutuluyan ko. Sa pagkakaalam ko, may makakasama ako na babae sa kwarto. Bale dalawa kaming mag-ookupa ng isang kwarto. Masaya na rin ang gano’n. At least hindi ako mag-iisa’t hindi naman ako masyadong malulungkot. Sana nga lamang ay mabait ang kung sino man na makakasama ko. 

Nang makarating sa destinasyon, nakita kong wala pa ang dormmate ko. Inayos ko na lamang ang mga gamit ko’t tinext si Tito kung pupwede na akong magsimula bukas sa part-time job ko. Mayamaya rin nama’y natanggap ko na ang reply niya’t sinabi na pwede na, basta raw kung kailan ko gusto.

Excited na ako bukas! College student na ako sa isang elite school. Pero kinakabahan din ako kasi sabi ng mga kaibigan ko noong high school na ang mga mayayaman daw na taga Maynila ay matapobre’t maaarte. Iniisip ko naman na hindi naman siguro lahat gano’n di ba?

Sana nga. 

Maaga ulit akong gumising kinabukasan. Mahirap na dahil baka malate nanaman ako. Naligo lamang ako’t nagsuot ng pantalon at blouse. First day pa lang naman kaya hindi pa kailangang naka-uniform.

Nilingon ko ang kabilang kama at nakitang tulog pa ang aking dormmate. Nakatalikod siya, sabog ang mahaba niyang buhok sa unan at balot na balot pa ng kumot. Hindi ko na namalayan ang pagdating niya kagabi dahil na rin siguro sa pagod ko. 

Pumunta ako sa may 7eleven at bumili ng footlong pati ng kape. Solve na ako dito! Almusal lang naman e. Sumakay na rin agad ako ng jeep papunta sa school. Pagkarating ko, andami na agad na mga estudyante. Siguro tulad ko, excited din silang pumasok. Pinag-aralan ko na kagabi pa lamang ang buong map ng academy na ibinigay sa amin kaya siguro hindi naman ako maliligaw.

Sa pagkakaalam ko, sobrang ganda ng garden nila dito. At dahil doon, ‘yon ang una kong pinuntahan.

Pagkatingin ko sa relo ko ay napagtanto kong marami pang oras bago ang unang class ko kaya naman sinulit ko na ang pagkakataon ng paglalagi sa garden at nagbasa ng libro.

Sinag ng araw sa nakaradong talukap ng mata ang nagpagising sa akin. Ilang segundo rin ang nagdaan bago ako tuwid na napaupo. Nicheck ko ang relo at halos magwala nang nalaman na ten minutes na akong late sa first class ko!

Sayang ang effort ko sa araw na ito!

Nang medyo kumalma ay napalingon ako sa naalala kong sinandalan ko kanina at isang nakangiting chipmunk ang bumungad sa akin. 

“Buti naman at nagising ka na. Akala ko wala kang balak umalis e.”

 S-sino ‘to?!

“B-bakit ka n-nasa t-tabi ko?!” Aba Neth! Kung makasigaw ka akala mo pinagtangkaan ang iyong dangal. Nakakahiya ka talaga Gwyneth kahit kailan!

Ngumiti siya at halos mawala na ang mata niya dahil doon. “Well, nakita ko kasi ‘tong garden at masarap talaga na tumambay dito lalo na kung nakasandal sa isang puno. Hindi mo naman siguro pag-aari ‘to kaya naman tumabi ako sa’yo. Nagulat na lang ako nang bumagsak ang ulo mo sa balikat ko,” mahabang eksplenasyon niya, tila nagtuturo ng words of wisdom sa isang batang di pa mulat sa buhay.

Kinagat ko ang labi ay tinuktukan ang sarili sa isip. Kahiya-hiya ka sa mga ninuno mo Neth! 

Tatanungin ko pa sana siya kung bakit kasi di na lang niya ako ginising, nang maalala kong super late na pala ako!

“Ah, okay! Sige! Salamat! Bye!”

Hindi ko na hinintay ang sagot niya at ako’y kumaripas na ng takbo papunta sa room namin. Halos liparin ko na nga ang buong hallway marating lang ‘tong Room B308! Woo! Galing ko talaga!

Doon ako sa back door pumasok para naman hindi masyadong halata na late ako. Pagpasok ko, may isang estudyanteng nakatayo at mukhang nagpapakilala siya. At dahil ang estudyante na ‘yon ay bandang gitna, malamang sa alamang e nakatingin sa kanya ang mga nasa unahan kaya naman nakita pa rin nila ako, at syempre pati ang professor.

 

Nag-goodmorning gesture ako kay Miss Prof. at ngumiti naman siya sa akin. Nag-gesture din siya na umupo na ako. Buti naman at hindi terror ang naabutan ko.

Nung turn ko na para magpakilala, syempre tumayo na ako at nagbanggit ng mga basic na bagay tungkol sa akin. Halos lumuwa pa ang mga mata ko dahil nakita ko sa harapan si Phin Ramirez! I mean The Phin Ramirez! Gulat ako at wala sa sariling napakaway sa kanya nang nagtama ang tingin namin. Wow.

Ang buong akala ko ay aasa na lamang ako sa pagkikita namin sa orphanage pero maging dito pala sa school ay makakasama ko siya! Halos hindi pa ako makapaniwala at ilang sandali pang natulala sa kanya. Nahinto lamang ako sa pagiging creepy nang nagsimula na ang class.

Nagfeeling close ako sa aking seatmate na ang pangalan ay Graceziel. Pair activity kasi ang unang pinagawa sa amin sa class kaya kinapalan ko na lamang ang mukha ko. 

Medyo nadistract pa ako nang may pumasok hindi sa likod tulad ng ginawa ko kundi sa harapan mismo! And lo and behold, ‘yung chipmunk! At blocmate ko rin siya!

Hindi ko na masyadong pinansin ang komosyon nang nagpakilala siya sa class dahil mukhang competitive itong si Grace at kinakalabit ako para sa computation.

Ang huli ko na lamang na napansin ay ang paglabas ni Phin ng room bago narinig sa buong campus ang tunog ng bell.

 Ang laki na ng ngiti ko nang binalingan ako ng professor namin.

“Ms. Flores, go to SMIT Department at exactly 1pm. You and Mr. Vargas, okay? You’re both late so we have to discuss about that in my office. We’re not tolerating any tardiness here inside the Academy, understood?”

“Sige po.” Gusto ko magpout kaso tumango na lang ako. Gusto ko maglupasay! Galing galing kasi! Bakit ba ako nakatulog doon?! Dahil ba sa malambot at mabango ang sinandalan? Che!

Pagkaalis ni Miss ang pag-alis din naman ng iba kong mga blocmates. Ako naman parang zombie na palapit doon sa upuan ko. Lumong-lumo talaga ako sa nangyari.

Sandali, nasaan nga ba ang Vargas na ‘yon?

Nang makita ko siya, balak ko na talagang lapitan siya at sabihin sa kanya ang sinabi ni Miss pero nagulat na lamang ako sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Bigla kasing sinuntok ng isang lalaki ‘yung si… ano nga ba ulit ang pangalan no’n? Ah basta ‘yung Vargas! Ayun, biglang nagkagulo sa room namin! Diyos ko! Ano bang kamalasan meron ako ngayon?!

Sa sobrang disappointment, naupo na lang ako sa upuan ko at hihintayin ko na lang na magkaroon ng pagkakataon na masabihan ‘yang si Mr. Vargas.

Tiningnan ko ang relo ko. Thirty minutes pa naman bago ang next class namin kaya may oras pa akong maghintay. Kapag kasi hindi nalaman no’n e baka magalit pa lalo sa akin si Ms. Adrias. Algebra pa man din ang subject niya.

Sigawan at lagabog ng mga chairs ang rinig na rinig sa classroom. Hindi naman na bago sa akin ang ganitong mga ganap. Mas matindi pa nga sila Pako sa orphanage pag napapaaway sa gang kuno sa kabilang barangay e.

Tumingin ulit ako sa relo ko. Okay, ten minutes had passed. Hindi pa ba sila tapos?!

“What’s the commotion here?!” isang maawtoridad na boses ang nagpahinto sa mga ingay at lagabog.

Uh-oh. I smell trouble here.

Tumayo ako kaagad dahil may pumasok na sa loob ng room namin na lalaking professor at base sa boses niya ay strict ito.

“Your first class had been long finished. Get out!” 

In the end ay hindi ko pa rin nakausap si Vargas boy.

Sa sumunod na class ay naging attentive na ako sa pangalan ng mga blocmates ko. Since late ako kanina ay ito na ang pagkakataon ko.

Nang napadpad ang tingin ko kay Phin ay napansin kong namumula ang kanyang mata at ilong. Di kaya… may sipon siya? Oh well, girlscout yata ako! Bigyan ko na lang siya ng gamot mamaya. 

Nalaman ko rin na Geoffrey Mendez ang pangalan no’ng nanuntok kay Vargas boy! Ang kinahaba ng pangalan ang kinaikli naman ng pasensya niya. Ayy nako.

 Achel Cortez. Ang ganda at ang puti ni ate. Bagay maging muse ‘to ng klase! Ayy wait… may gano’n pa ba sa college?

Si Grace ang sumunod bago ako. Nang natapos ay nilingon ko ang katabi sa kanan.

Jane Alvarez. Bakit ba uso ang sipon ngayon? Mapula rin kasi ang mga mata niya pati ilong. Parehas sila ni Phin. Buti na lang ako healthy. Oh well, that’s life.

Lizette Santillan. Mukhang mataray si ate. Naka-fierce look kasi siya e.

Medyo nagiging lutang nanaman ako nang marinig ko ang boses niya.

 

Denzel Alexis VargasNga pala... si Vargas boy. May appointment kami mamaya kay Ms. Adrias. Wapakels ako kung bugbog sarado siya basta kailangan pumunta kami mamaya doon. Kung ‘di niya kaya dahil sa nabugbog siya e kakaladkarin ko na lang siya!

Matapos magpakilala ng lahat, kahit actually sa kalagitnaan ay lumipad na ang isip ko, nagsimula na si Miss magsalita.

Wala namang masyadong ginawa. Diniscuss lang ni Miss ‘yung course syllabus tapos lumarga na siya. 

Nga pala, may new friends na ako. Bilis noh? Si Grace, Jane, at Liz. Sila ‘yung mga katabi ko kanina.

“Pwede bang sumabay sa inyo kumain?”

“Oo naman! Masaya syempre pag marami tayo.” Ang cute at ang bait talaga nitong si Jane! Hindi naman sa gullible ako pero halos iyon ang isinisigaw ng aura niya.

“Err... girls, alam niyo ba kung nasaan ang cafeteria nila dito?” si Liz. Mabait din naman pala siya e! Mukha nga lang suplada pero mabait din naman.

“Ako alam ko!” Aba halos kabisado ko na nga ang mapa ng academy e.

“So... tara?” si Grace. Eto naman akala mo binibining Pilipinas sa kahinhinan e jusmiyo kapag nakausap e sobrang daldal!

Bago pa kami umalis ay nagpaalam muna ako sa kanila na kakausapin sandali si Vargas boy. Umarko ng pagkataas ang kilay ni Liz kaya halos ipaliwanag ko sa kanya ang buong kwento ng kanina ko pa pinaghihinagpis.

Kinalabit ko ang likod ni Vargas boy nang nakalapit ako. Kunot noo niya akong binalingan. Nang nakita ang halos namamaga niyang kilay at gilid ng labi na may bahid ng dugo ay parang gusto kong ioffer ang first aid kit na dala kaso may bad blood yata sila Liz sa kanya kaya siguro… mamaya na lang…? Ngumuso ako, naguguluhan na ngayon sa dapat gawin.

“Ano ‘yon?” Busangot na ang mukha niya dahil siguro sa pagkainip sa paghihintay sa sasabihin ko pero malumanay naman ang boses nang tinanong iyon.

“Hmm… pinapupunta pala tayo ni Ms. Adrias sa SMIT Department mamayang 1pm. Pumunta raw tayo doon.”

“Okay.” Di man lang niya tinanong ang dahilan at basta na lang siyang umalis sa harap ko. 

Ayon, dahil one hour and a half ang break namin, pumunta kaming apat sa cafeteria. Bumili lang ako ng Cliffhouse at cold chocolate sa may vendo. Halos pare-parehas naman kami ng binili. If I know ginaya lang nila ako!

Agaw pansin ang katabi naming table dahil sa maingay nilang kwentuhan at tilian. Kumunot ang noo ko sa kanila pero hinayaan na lang. Normal yata ang ganoon? 

“Ano ‘yung Waldroves?” inosenteng tanong sa akin ni Grace. Narinig din ang topic ng katabing table.

“Di ko rin alam e.” Totoo naman. Ang binasa ko lang kasi ay ang history lang ng Academy. Nothing more, nothing less.

“Basketball team ng school natin,” sabi ni Jane bago kumagat sa Cliffhouse niya.

“Aaahh” sabay pa naming sabi ni Grace. ‘Di ko yata nabasa ‘yun?

“Guess what.”

“HA?” sabay sabay naming tanong na tatlo nila Jane at Grace. Ano naman ‘tong ‘guess what, guess what’ ni Liz?

“I just discovered something. You know, ‘bout Phin and—” tapos tumingin siya kay Jane.

“...and Alex.”

I guess I’m missing something here. Ano raw? Wala kasi akong maintindihan.

“Anong meron Liz?” Nako eto na si Grace. Chismosa much talaga.

“Ah... yeah. I guess you’re right,” sagot ni Jane. Ano ba ‘yon, sila Liz at Jane lang nagkakaintindihan.

“Ah! So totoo nga?! Kaloka mga lovelife nila ha. Masyadong complicated. Isama pa na kasali si Jane doon.” si Grace.

Isa pa ‘to.

“Nah. I’ve nothing to do with that crap.” si Jane.

Ayy kagulo ng mga ‘to! Haay di bale, idaan sa kain! Sarap talaga nitong Cliffhouse kahit nagtataka ako kasi weird ang pangalan. 

Ngayon lang pala namin napagtanto na lunch break pala kanina at ewan ko ba at nagsama-sama kaming mga lutang e tinapay at chocolate lang talaga ang kinain namin.

Akala kasi namin ay break lang tapos mamaya may lunch break pa.

Dahil no choice at may class na kami, ayun pumasok na kami sa room namin. Same lang ang ginawa namin dito pati sa mga naunang subjects. Syempre tabi-tabi kaming apat. Mga friendsters ko na yang mga yan e!

Nga pala may chika ako. Na-gets ko na pala ang pinag-uusapan nila kanina.

Bale itong si Alex Vargas boy e may M.U. kay Jane tapos napag-alaman na lang na iniwan siya nitong lalaki. Tapos sobrang iniyakan ‘yun ni Jane. Tapos no’ng medyo moved on na si Jane saka naman nakita nilang dalawa ni Liz itong si Vargas boy na may kasama sa mall. Di raw nila kilala ‘yung girl until nangyari ang suntukan kanina. Basta raw e base sa instinct as well sa observations nila at sa mga complicated circumstances (dyosko hirap mag explain!) napag-alaman na si Phin ang babae sa septic tank!

Ayy langya.

‘Yan, nasabi ko tuloy. Ganyan kasi talaga ‘yung sinabi ni Grace kanina. May saltik ata ‘yun.

By the way, si Phin pala ‘yung girl nitong si Alex pero week after ay nakipagbreak kaya galit na galit si kambal at bestfriend nito.

Oh well, anyway highway, on the way na ako sa SMIT Department at kasalukuyan akong pinagpapawisan ng malamig at nangangatog ang aking mga tuhod.

“Good afternoon Ms. Adrias!” Masayang bati ko kay Miss kahit sa loob loob ko ay nagpupuyos ang aking damdamin.

“Have a sit.” Umupo naman ako.

“Where’s Mr. Vargas?” kunot noong tiningnan ni Miss ang likod ko, para bang ineexpect na may susunod pa sa akin.

Patay.

“I-I d-don’t know M-Miss. I actually told him about this but I don’t know why he’s not here.”

Taas noong sabi ko kahit nagkanda utal utal pa. Aba, he’s not my responsibility! Tama tama!

Hinayaan na iyon ni Miss pero mahigpit niyang bilin na dapat ay sabihan ko si Alex Vargas tungkol sa pinapagawa niyang report. Tungkol iyon sa first two topics na nasa syllabus namin.

Haay nako Vargas boy, sakit ka talaga sa bangs ko! 

Sumubsob ako sa aking desk nang nakabalik sa room namin. Ang unang nakapansin sa stress ko ay si Jane kaya naman sa kanya ko naikwento ang problema ko.

“I’ll help you.” 

“Talaga?” halos magningning ang mga mata ko.

Wala naman akong problema talaga sa report pero kasi ay nang tiningnan ko kanina ang syllabus e sobrang dami palang sakop na sub topics nung binanggit ni Miss! Akala ko kaunti lang. Tas one week lang ang palugit.

“I’ll help you finish those reports! Don’t worry. Matatapos din natin ‘yon bago pa ‘yung Monday next week ni Miss.”

She’s my savior! Niyakap ko siya ng mahigpit dahil doon. 

Nang last subject na, ayun nagpakilala nanaman kami isa-isa. Nakakasawa na ha! So itong subject namin na OSWALDS ay parang Values Education noong High School. Ang kaibahan lamang, maliban sa itinuturo dito ang values, kasama rin sa course syllabus ang history ng academy, patron saints, departments, grading system, etc, basta all about sa school namin. ‘Yung professor namin dito ang tatayong adviser daw ng block namin. Medyo hindi ko nga magets kaya oo na lang ako ng oo sa mga sinasabi ni Miss.

May pair activity nanaman at for some reason ay kaming dalawa ni Jane ang naipartner sa isa’t isa. Ang activity ay ang pagpapakita ng talent sa class. Dapat ay parehas daw kami ng gagawin ng partner. Next week iyon ippresent para may araw pa raw para makapagpractice. 

Pagkatapos ng class ay nagpaalam na ako kay Liz at Grace para makapunta na ako sa Library Center ng Academy. Gusto ko na rin talagang matapos itong reflection at report ASAP! Si Jane naman pinauna na si Liz, nasa iisang pad pala sila tumutuloy, kaya sabay na kaming pumuntang LC.

Pagkapunta namin ‘don, napansin ko namang nasa loob din ‘yung tatlong blockmates namin. ‘Yung Ramirez twins at yung bestfriend ni Phin!

Umupo kami sa medyo malayo sa kanila. Alam ko naman kasi ang pinagdaraanan nitong si Jane. Syempre kasi di ba si Phin ‘yung ex nung Alex? Ang kumplikado talaga. 

Siguro mga thirty minutes na kaming nakaupo dito nang biglang napansin namin na may lalaking nakatayo sa gilid ng table namin.

“Jane, let’s talk.”

Pagkatingala ko...

Uh-oh

Tiningnan ko naman si Jane na wala man lang emosyon ang mukha.

 “Sure.”

Tapos hinawakan niya ako sa kamay at diniinan iyon. Ngumiti siya sa akin na parang hinihintay ang response ko.

Kaya tumango na lamang ako at diniinan ko rin ang kamay niya na parang assurance.

Umalis na silang dalawa ni Vargas boy kaya ipinagpatuloy ko na ang pagsusulat ko.

Mga ilang minuto ang nagdaan, napansin kong tumayo ‘yung bestfriend ni Phin. Ayun, lumabas na rin siya. Napatingin naman ako kay Phin at doon sa kakambal niya. Parehas silang nakatingin sa akin. Siguro, makakaramdam na ako ng awkwardness kung hindi lang kumaway si Phin sa akin. Syempre kumaway din ako sa kanya at ginantihan siya ng ngiti.

Which reminds me...

Matapos kong kumaway, tiningnan ko ang kamay ko.

Somehow it feels like... weird.